2 tiklo sa P4-M shabu
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na responsable sa umano’y pagpapakalat ng iligal na droga o shabu ang nalambat ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ng Quezon City Police matapos makuhanan ng kabuuang P4 na milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod, kahapon ng umaga.
Ayon kay QCPD director Senior Supt. Joel Pagdilao, ang mga suspek ay kinilalang sina Alimar Sulaiman, 26; at isang 16-anyos na binatilyo na itinago sa pangalang Junjun, kapwa mga tubong Marawi City at naninirahan sa Quiapo, Manila.
Sabi ni Pagdilao, ang pagkakadakip sa mga suspect ay karugtong lamang ng ginawa nilang operasyon matapos na maunang madakip ng tropa ni Senior Insp. Roberto Razon, hepe ng DAID-SOTG ang kasamahan nilang si PO1 Brazil Mujawarin nitong nakaraang Lunes sa Brgy. North Fairview.
Naaresto sina Sulaiman at Junjun matapos isagawa ang buy-bust operation laban sa mga ito sa may Calavite St., corner Don Manuel St., Brgy. Salvacion, alas-7:30 ng umaga.
Sabi ni Razon, unang napagkasunduan na bibilhin ng kanilang tropa ang halagang P200,000 na shabu kung saan sila magpapalitan ng items sa nasabing lugar.
Sakay ang mga suspek ng isang kulay maroon na Toyota Altis na may conduction sticker na YD-1179 at temporary plate na may sticker na Philippine Army nang makipagpalitan ng items sa isang poseur-buyer ng DAID-SOTG kung saan na sila inaresto.
Mula dito, nagulat ang mga operatiba nang marekober pa mula sa sasakyan ng mga suspek ang 15 maliliit na supot ng shabu na may timbang ng 1 kilo na tinatayang nagkakahalaga ng P4 na milyong piso.
Dagdag ni Pagdilao, ang mga suspek ang nagbabagsak ng shabu sa Barangay Salvacion partikular sa Calavite St., lungsod Quezon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest