Problema na sa plaka, problema pa sa lisensya
MANILA, Philippines – Bukod sa problema sa kakulangan sa car plates, problema na rin ngayon ang kawalan ng Land Transportation Office (LTO) na maibibigay na driver’s license card sa mga magre-renew ng lisensiya at mga bagong aplikante ng non-professional at professional drivers license.
Ito ayon kay Edna Garvida, hepe ng LTO Driver’s license division ay dahil hindi pa anya dumadating ang suplay sa ahensiya para sa paggawa ng lisensiya.
Sa ngayon anya, nag-iisyu sila ng lisensiya sa mga renewals at bagong professional at non-prof driver’s license na papel lamang o kahalintulad ng iniisyu nilang student driver’s license.
Ang iniisyung mala-student permit ay magtatagal anya hanggang sa March 2015.
Kaugnay nito, niliwanag naman ng pamunuan ng Amalgamated Philippines Inc. (AMPI)-kakontrata ng LTO sa paggawa ng driver’s license na malamang umanong naapektuhan sila ng port decongestion kung bakit hindi pa rin dumarating ang kanilang suplay.
Iniulat din ng AMPI na hindi pa rin sila nababayaran ng LTO sa ilang taon na nilang pagseserbisyo sa ahensiya sa paggawa ng drivers license.
Wala namang linaw kung ito ang tunay na rason kung bakit problemado ngayon ang LTO sa issuance ng driver’s license.
May mahigit 5 milyon katao ang drivers license holders sa buong bansa.
- Latest