Dagdag pang pulis sa metro 'crime hotspots' utos ni Mar
MANILA, Philippines - Initusan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang National Capital Region Police Office na mgpadala ng mga karagdagang pulis sa mga crime hotspots sa Kamaynilaan.
Ibinaba ni Roxas ang direktiba bilang ayuda sa unti-unting pagbaba ng crime rate sa ilang bahagi ng Kamaynilaan matapos niyang iutos ang lingguhang pagpapakalat ng 1,300 na mga pulis sa mga piling lugar sa Kamaynilaan.
"This ‘one time, big time’ deployment has had a substantial impact in areas like Pasay, Paranaque, Raxa Bago, Valenzuela and Manila," ani Roxas.
Ang karagdagang mga tauhan ay mga pulis na dating nakaupo lamang sa mga tanggapan ng pulisya. Pinalitan sila ng mga non-uniformed personnel sa kanilang mga administrative work kagaya ng pag-aasikaso sa mga police blotter.
Sa direktiba ni Roxas kay NCRPO chief Carmelo Valmoria, dapat gamitin Geographical Information System (GIF) sa pagtukoy sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang pulis.
Ang GIF ay ginagamit upang matukoy ang mga lugar na malimit may maganap na krimen.
Iminungkahi ni Roxas ang paggugrupo sa 1,300 na karagdagang pulis upang makapagpadala ng mga pulis sa mga crime hotspots. Kabilang sa mga ito ang Masambong sa Quezon City, distrito ng Sampaloc sa Maynila at ang mga siyudad ng Pasig at Mandaluyong.
Dapat din umanong gawing "rotational" ang deployment ng karagdagang mga pulis sa mga naturang lugar upang maiwasang maging masyadong malapit ang mga pulis sa mga residente.
- Latest