Acetylene gang sumalakay, P.5-M alahas tangay
MANILA, Philippines – Nasimot ang iba’t ibang uri ng alahas nang pasukin ang isang jewelry shop ng mga miyembro ng acetylene gang sa pamamagitan ng pagtungkab sa sementadong kisame na ang tapat ay ikalawang palapag ng paupahang silid ng gusali sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa pagbubukas ng QT Gift Items na matatagpuan sa panulukan ng Ongpin at Puyat Sts., sa Binondo, Maynila ng tinderang si Charito Malibiran dakong alas-9:20 ng umaga ng Lunes nang madiskubre na wala na ang mga alahas na paninda.
Tinatayang nasa mahigit P500,000 ang halaga ng nakulimbat na alahas.
Sa imbestigasyon ni PO3 Sol Peruda ng Manila Police District-Station 11, ang naninirahan umano sa 2nd floor na katapat na pawnshop ay isang Joan Gao.
Nabatid na kababayad pa lamang umano ng downpayment sa administrator ng building ni Gao sa pamamagitan ng tseke nitong nakalipas na Biyernes.
Kahapon ay nakita ng mga awtoridad na wasak ang kisame ng nasabing jewelry shop at sa inupahang silid ni Gao nagmula ang acetylene gang na tumungkab ng sementadong kisame at nagsisilbing sahig naman ng ikalawang palapag.
Hindi naman napakinabangan ang nakakabit na closed-circuit television (CCTV) sa tapat ng jewelry shop dahil sinira rin ito ng mga kawatan bago pa ang panloloob.
Gayunman, sinisikap pa rin ng pulisya na hanapin at umano’y hingan ng paliwanag si Gao na hindi na matagpuan nang maganap ang insidente.
Inaalam kung may kinalaman ito at kung totoo ang pangalan na ibinigay nito sa pamunuan ng gusali dahil sa mga nakalipas na tulad na insidente, napaulat na ang nangungupahan sa pakay na pagnakawan ay kasabwat ng grupo.
- Latest