Walang maholdap, biktima ni-rape na lang
MANILA, Philippines – Makaraang walang mahalagang bagay na matangay, halinhinang ginahasa na lamang ng dalawang holdaper ang biniktima nilang dalaga, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nadakip naman sa ikinasang operasyon ng Caloocan Police Community Precinct 20 ang isa sa mga suspek na si Steven Catorse, 18, ng Maligaya Park Subdivision, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap pa naman ang kasamahan nitong nakilala sa alyas na Batik.
Sa ulat ng pulisya, dumulog ang biktima at mga kaanak nito makaraang makauwi matapos ang sinapit na pambababoy sa kanya.
Sa kanyang salaysay, pauwi na siya sa kanyang bahay sa Magalang Extension, Maligaya Park Subdivision dakong alas-12 ng hatinggabi nang harangin ng dalawang lalaki at holdapin.
Nang malaman na walang mahalagang gamit na matatangay sa kanya, kinaladkad ang biktima sa madilim na bahagi ng kalsada at halinhinang ginahasa habang nakatutok ang patalim. Agad namang pinakawalan ang biktima matapos na makaraos ang mga suspek.
Sinampahan na ng kasong panggagahasa ang naarestong suspek at kasamahan nito.
- Latest