Publiko binalaan kontra mga batang miyembro ng Sputnik
MANILA, Philippines - Binalaan ng Makati City Police ang publiko sa laban sa mga batang miyembro ng grupong Sputnik Gang na sangkot sa pandurukot at iba pang pagnanakaw.
Sa Twitter post ni Makati Police Deputy Chief for Administration (DCOPA) sa kanyang account na dcopa Makati, sinabi nito na “Panay po na ang mga insidente ngayon ay mga menor de edad ang involved. Ingat po tayo at huwag basta magtiwala. Una isa ang lalapit to 8.”
Sinabi nito na nakikipagsiksikan ang mga bata sa maraming tao, kunwari ay nanghihingi ng limos habang ang mga kasama ay nandudukot na. Karamihan sa miyembro ng naturang grupo ay may mga edad na walo hanggang 10-taong gulang.
Ito ay makaraang dalawang batang lalaki ang nadakip kamakailan matapos na mandukot ng cell phone ng isang babae. Nang isailalim sa pagtatanong ng mga pulis, nadiskubre na miyembro ang mga ito ng Sputnik Gang at may tattoo pa nito sa kanilang likuran sa kabila ng murang edad.
Hindi na rin nasampahan ng reklamo ang mga nadakip na bata makaraang hindi na magreklamo ang nadukutan na ginang kaya balik-kalsada na rin umano ang mga batang mandurukot.
Nang tanungin ng PSN, sinabi ng Makati DCOPA na posibleng isang malaking sindikato ang nag-ooperate na nagre-recruit ng mga bata para mandukot at magnakaw dahil sa alam ng mga ito na hindi napaparusahan ng batas ang mga menor-de-edad. Ito umano ngayon ang masusing binabantayan at iniimbestigahan ng pulisya upang madakip at mapanagot ang mga nasa likod ng sindikato.
- Latest