Manhunt sa killer ng nanay ni Cherry Pie
MANILA, Philippines - Pinaigting ngayon ng Quezon City Police District ang pagtugis sa pangunahing suspek sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache.
Aksyon ito ng pamunuan, makaraang ilabas ang litrato ng suspek na si Michael Flores, dalawang linggo matapos ang nangyaring pagpatay kay Ginang Zenaida Sison sa bahay nito sa lungsod.
Ayon kay QCPD Director Richard Albano, sa ngayon positibo na ang kanilang tropa kung sino ang kukuning suspek matapos na itinuro si Flores ng limang testigo.
Sinabi ni Albano, madalas umano itong nagpupunta sa bahay ng biktima para maglinis bukod pa ang nakitang duguang damit na tumutugma sa pahayag ng mga testigo na pag-aari ni Flores.
Pagnanakaw ang tanging motibong nakikita sa krimen dahil nawawala ang pera at alahas ni Sison na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000.
Nabatid pa ng QCPD na bukod sa naturang insidente, nasangkot na rin si Flores sa apat na kaso ng pagnanakaw.
Si Flores ay taga-Camotes Island sa Cebu at huling naging tirahan nito ay sa Taguig City.
Bukod sa QCPD, ang kaso ay hawak na rin ng National Bureau of Investigation.
- Latest