Package ng shabu nasabat sa cargo service sa Pasay
MANILA, Philippines - Isang package ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa isang cargo office ng isang international express courier service sa Pasay City.
Ayon kay Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., Director General of the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA-IADITG Task Group Commander, ang package na naglalaman ng plastic sachet ng shabu ay nakatago sa pagitan ng isang dictionary ng isang shipment patungong South Australia.
Sabi ni Cacdac, nasabat ang nasabing droga nang magtungo ang duty officers ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) Airport Interdiction Unit na si Atty. Jacquelyn de Guzman sa naturang cargo office para i-verify ang reports hinggil sa isang parcel na naglalaman ng hinihinalang illegal drugs.
Ang sample ng nasamsam na substance ay isinailalim sa methaphetamine reagent field test at positibo itong may presensya ng shabu.
Isinumite na ang sample ng shabu sa PDEA Laboratory service para sa confirmatory testing.
Ang package na dadalhin para isakay sa barko patungong Adelaide, South Australia ay mula sa BF Homes, Parañaque City kung saan ito galing.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang PDEA sa pangalan ng consignee na nakalagay sa naturang parcel.
- Latest