Road repair na naman! Matinding trapik inabiso ng MMDA
MANILA, Philippines - Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko lalo na ang mga motorista na huwag dumaan ang mga ito sa ilang lugar sa Metro Manila upang hindi maabala sa trapik dahil magsasagawa ng road repair ang Department of Public Works and Highways (DPWH) simula ngayong Biyernes ng gabi hanggang Lunes ng umaga.
Ang naturang road repair ay isasagawa sa Quezon City. Ito ay sa Araneta Avenue mula Calamba St. hanggang Quezon Avenue (second lane, south-bound) bago at paglagpas ng Maria Clara St., kahabaan ng E. Rodriguez Jr. Avenue/C-5 pagitan ng Mercury Avenue at Richmond Avenue (second lane, south-bound) sa Katipunan Road, First St. Fairview Avenue, Winston St. hanggang Puregold (third lane, south-bound), Mindanao Avenue mula Old Sauyo Road hanggang Rosal St., (third lane, south-bound), kahabaan ng C.P. Garcia Avenue, Maginhawa St. hanggang E. Jacinto St. (third lane), Congressional Avenue mula April St. hanggang Ayshire (first lane west-bound).
Sa Mandaluyong City naman ang mga apektadong lugar sa road repair ay ang kahabaan ng EDSA sa pagitan ng Connecticut hanggang Libertad St. (south-bound) lagpas ng footbridge at panulukan ng Ortigas Avenue, bago at pagkalagpas ng Rochester St., pagitan ng Temple Drive hanggang United St. (north-bound).
Sa Pasig naman, ito ay ang kahabaan ng C-5 Road mula CJ Caparas St., hanggang Lanuza St. (outermost lane, south-bound).
Ayon sa MMDA ang naturang road repair ay isasagawa ng DPWH mula alas-10:00 ng gabi ngayong Biyernes (Oct. 3) hanggang Lunes ng alas-5:00 ng umaga (Oct. 6).
Kung kaya’t asahang magkakaroon ng pagbigat ng trapiko sa mga nabanggit na lugar at pinayuhan ang mga motorista na maghanap ng mga alternatibong daan para maayos na makarating sa kanilang destinasyon.
- Latest