Helper inatado ng 2 kabaro
MANILA, Philippines - Patay ang isang helper makaraang pagtulungang tagain at saksakin ng dalawa niyang kasamahan dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan habang nag-iinuman sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot si Neil Tulabing, 28, binata, dahil sa mga tama ng pananaga at saksak sa kanyang ulo at katawan, ayon kay PO2 Julius Raz, may-hawak ng kaso.
Isa sa mga suspek na si Jason Hizola, 20, ay agad namang nadakip, habang ang kasamahan nitong si William Godello, ay nakatakas.
Nangyari ang insidente sa may parking lot ng Elamont Marketing na pinagtatrabahuhan ng mga biktima at mga suspek, sa no. 199 Kanlaon St., Brgy. Maharlika, ganap na alas-11 ng gabi.
Bago ito, masayang nag-inuman ang biktima at mga suspek sa lugar hanggang sa tamaan na ang mga ito ng espiritu ng alak at nauwi sa pagtatalo ang kanilang kwentuhan.
Ayon sa isang Rommel Gaguyo, naging mainit ang pagtatalo ng biktima at ni Hizola, hanggang sa kumuha ng butcher knife si Godello at inatake ang una.
Sa puntong ito, kumuha rin si Hizola ng kitchen knife at tumulong ito kay Godello sa pag-atake sa biktima na nagawang makatakbo.
Subalit, pagsapit sa gate ay nakorner ng mga suspek ang biktima, hanggang sa tagain na ito ni Godello sa ulo. Kahit sugatan, tinangka pa ng biktima na tumakas pero sinundan siya ng mga suspek at muling pinagtulungang tagain at saksakin sa katawan na agad na ikinamatay nito.
Sa pagresponde ng mga barangay tanod na sina Alvin Mercene, Frank Bagay at Darevin Veron ay nadakip si Hizola habang nakatakas naman si Godello.
- Latest