Taguig Judge nag-inhibit sa Vhong Navarro case
MANILA, Philippines – Para aniya hindi madungisan ang kanyang kredibilidad, nagkusa nang mag-inhibit kahapon si Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig City Regional Trial Court Branch 271 hinggil ng kasong serious illegal detention na isinampa ng TV host at actor na si Vhong Navarro laban kina Deniece Cornejo; Cedric Lee at Simeon Zimmer Raz.
Nabatid na naghain ng motion to inhibit ang kampo ni Navarro laban kay Cortes ngunit kusa nang nagpasya ang hukom na mag-inhibit o bitawan ang paghawak nito sa naturang kaso.
Base sa naging paliwanag ni Cortes, sinabi nitong ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin, ang lahat ng kanyang nalalaman sa batas.
Ayon pa sa hukom kung napupuna aniya na may duda at nawawalan na tiwala sa kanya ay mas mabuti nang magbitiw na lamang siya kaysa sa madungisan pa ang kanyang kredibilidad.
Dahil dito, muling ni-raffle ang naturang kaso upang hawakan ng panibagong judge.
Sinabi naman ni Atty. Howard Calleja, abogado nila Lee at Raz na nirerespeto nila ang naging kapasyahan ni Cortes bagama’t sila’y nalulungkot sa pangyayari
Matatandaang, naghain ng motion to inhibit si Navarro laban kay Cortes sa dahilang nawalan na umano sila ng tiwala dito matapos nitong payagang makapagpiyansa sina Cornejo, Lee at Raz hinggil sa kasong serious illegal detention na kinakaharap ng mga ito, samantalang non-bailable offense ito.
- Latest