Killer ng nanay ni Cherry Pie, tukoy na
MANILA, Philippines - Tukoy na ng mga awtoridad ang pangunahing salarin sa pagpatay sa nanay ng aktres na si Cherry Pie Picache noong nakaraang Biyernes sa loob ng bahay nito sa lungsod Quezon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, tinutumbok ng kanilang imbestigasyon ang dating helper ng biktimang si Zenaida Sison, base sa testigong nakakilala sa mga nakuhang damit nito na naiwan sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa kagawaran, pansamantala muna nilang hindi ibubunyag ang pagkatao ng salarin upang hindi masunog ang ginagawa nilang follow-up investigation.
Ang nasabing damit ang magiging batayan ng kanilang tropa upang tuluyan nang maresolba ang krimen ng pagpatay sa nanay ng nasabing aktres.
Lumabas sa pagsisiyasat ng CIDU na isang panlalaking damit ang naiwan sa crime scene matapos ang nangyaring pagpatay sa biktima sa loob ng bahay nito sa Scout Lascano St., Brgy. Paligsahan, sa lungsod noong Sept. 19, 2014.
Base sa testimonya ng testigo, ang ebidensiyang damit ang paboritong kasuotan ng tinutukoy na suspek na madalas nitong isinusuot.
Sabi pa ng testigo, ang nasabing damit din anya ang nakita niyang suot ng sinasabing suspek kapag pumupunta ito sa bahay ng biktima, bago mangyari ang krimen.
Ayon naman sa CIDU, hindi lamang isa ang target ng kanilang operasyon kundi dalawa bukod sa helper dahil sabi ng testigo ay nakita rin niya na may kasamang isa pang lalaki ang suspek noong gabi, bago matuklasan ang krimen.
Magugunitang ang biktima, 75, ay natagpuan na lamang walang buhay sa loob ng kanyang kuwarto ng anak na si Cherry Pie at driver nito noong Sept. 19, ganap na alas-5 ng hapon.
Sinasabing nagdesisyong puntahan ni Cherry Pie ang bahay ng kanyang nanay makaraang hindi niya makontak ang cellphone nito.
Ang nasabing biktima ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan at may sugat din sa ulo.
Pagnanakaw ang sinasabing motibo sa pagpatay dahil sa nagkalat ang gamit sa loob ng kuwarto na bagay na patuloy ang pina-follow-up ng awtoridad.
- Latest
















