Deniece bigong makapagpiyansa; Cedric, Raz, laya na!
MANILA, Philippines – Nakalabas na ng bilangguan sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz kahapon matapos na maglagak ng piyansang tig-P500,000 kaugnay ng kinakaharap na kasong serious illegal detention dahil sa pambubugbog sa actor/TV host na si Ferdinand “Vhong” Navarro.
Ayon kay Atty. Howard Calleja, abogado nina Lee at Raz, naghain sila ng cash bond sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Kaagad namang inisyuhan ng release order ng Taguig RTC sina Lee at Raz at pinayagang pansamantalang makalaya matapos na makumpleto at maayos ang lahat ng kinakailangang dokumento.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay nananatili pa rin sa kustodiya ng Camp Crame ang kapwa akusado ng dalawa na si Deniece Cornejo na bigong makakuha ng release order dahil hindi pa naaayos ang mga kinakailangang dokumento.
Dakong ala-1:50 ng hapon nang eskortan ng mga awtoridad sina Raz at Lee sa Taguig City Regional Trial Court Branch 271 para sa pag-proseso ng kanilang release order.
Laking pasalamat naman ng kampo ng dalawa nang ganap nang makalaya.
Tiniyak rin ni Calleja na hindi tatakas ang kanyang kliyente at patuloy na makikiisa sa pagdinig sa kaso.
Samantala, tiniyak naman ng kampo ni Navarro na hindi pa tapos ang kaso at naghain ng apela sa desisyon ng hukuman na payagang magpiyansa ang tatlong akusado.
Naghain rin si Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro, ng motion for inhibition laban kay Taguig City Regional Trial Court Branch 271 judge Paz Esperanza M. Cortes.
Ang mga naturang mosyon ay diringgin sa Setyembre 19.
- Latest