Shootout sa Taguig: 1 sugatan
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na riding in tandem criminal gang kabilang ang nasugatang lider ng grupo matapos na kumasa sa mga awtoridad sa naganap na shootout sa Taguig City kamakalawa ng gabi. Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ang nasakoteng suspect na si Alvin Nidua, lider ng grupo.
Arestado rin sa operasyon matapos na makorner ng mga awtoridad ang kasamahan ni Nidua na si Joel Palacio habang nakatakas naman ang dalawa pa sa mga ito.
Sinabi ni Magalong na dakong alas-6 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa Manuel Quezon, Lower Bicutan, C-6 Road sa lungsod ng Taguig.
Nabatid na isinilbi ng mga tauhan ni Magalong ang warrant of arrest na inisyu ng Legazpi City Regional Trial Court (RTC) laban kay Nidua kaugnay ng kinakaharap ng kasong murder, robbery with homicide at dalawang kaso ng frustrated murder.
Gayunman, nanlaban ang suspek na agad nagpaputok ng baril bunsod upang barilin rin ito ng isa sa arresting team. Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang cal. 45 pistol at magazine nito na puno ng mga bala, gayundin ang motorsiklo na gamit nila sa kanilang illegal na aktibidades.
Sa tala ng PNP-CIDG, si Nidua ay number 3 most wanted na kriminal sa Camalig, Albay at isa sa pangunahing target ng PNP-CIDG dahil sangkot ang grupo nito sa ilegal na aktibidades ng riding in tandem.
Kasalukuyan namang ginagamot si Nidua sa Taguig Pateros District Hospital bunga ng tinamo nitong sugat sa ibabang bahagi ng katawan sa nasabing shootout .
- Latest