Retiradong militar, itinumba sa inuman
MANILA, Philippines - Patay ang isang retiradong sundalo matapos itong barilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nakikipag-inuman, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Teoderico Estacio, 47, may asawa, ng Mt. Apo St., Purok 2, Brgy. South Side ng naturang lungsod sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Base sa inisyal na report na nakarating kay Senior Supt. Manuel Lukban, hepe ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-8:30 ng gabi sa naturang lugar.
Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan nang biglang sumulpot ang suspect at walang sabi-sabing pinaputukan ito na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang isagawang pamamaril.
Hanggang sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa rin ang motibo nang pamamaril.
- Latest