900 parak ikakalat sa crime prone areas sa MM
MANILA, Philippines - Upang masupil ang serye ng kriminalidad, 900 bagong police recruits ang idedeploy ng Philippine National Police (PNP) sa mga crime prone areas sa Metro Manila.
Ito ang inihayag kahapon ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na kaniyang ipinag-utos matapos pulungin sina PNP Chief Director General Alan Purisima at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Carmelo Valmoria sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Sinabi ni Roxas na ang karagdagang mga bagitong pulis ay kanilang idedeploy sa mga crime prone areas sa National Capital Region (NCR) sa unang bahagi ng susunod na buwan o sa pagpasok ng ‘ber months’.
Sa tala ng PNP, karaniwan ng tumataas ang mga kriminalidad partikular na ang petty crimes sa tuwing pumapasok ang ‘ber months’.
Sa nasabing pagpupulong , sinabi nina Purisima at Valmoria , bukod dito ay may isang kompanya o nasa 100 pang pulis mula sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) ng NCRPO ang tutulong rin sa lokal na pulisya sa implementasyon ng ‘Oplan Lambat’ o ang paglalatag ng mga checkpoints /chokepoints sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila.
Dapat din umanong magkaroon ng kumpletong mapping operations sa mga tinaguriang crime prone areas nang sa gayon ay matutukang mabuti ang mga kriminal na grupong sangkot sa mga gawaing criminal, ayon pa sa kalihim.
Kabilang sa mga tinukoy na crime prone areas ay ang nasa hurisdiksyon ng Police Community Precinct 10 ng Bagong Silang, Caloocan City; PCP 4 sa Barangay Tugatog, Malabon City; PCP 4 sa North Bay Boulevard South, Navotas City; PCP 3 sa Marulas, Valenzuela City; PCP 2 sa Sto. Niño, Marikina City; PCP 4 sa Pinagbuhatan, Pasig City; PCP 2 sa Plainview, Mandaluyong City; PCP 1 sa Greenhills, San Juan City; PCP 6 sa Barangay Sto. Niño, Pasay City; PCP 6 sa Ayala, Makati City; PCP 1 sa Baclaran, Parañaque City, PCP 3 sa Barangay Pamplona, Las Piñas City; PCP 2 sa Alabang, Muntinlupa City at PCP 4 sa Signal Village, Taguig City.
- Latest

















