Cedric Lee, 1 pa inilipat na sa BJMP jail
MANILA, Philippines - Tuluyan nang inilipat kahapon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Cedric Lee at isa pang akusado matapos ibasura ng korte ang kahilingan ng mga ito na huwag silang ilipat ng kulungan o manatili sila sa pasilidad ng National Bureau of Investigation Division (NBI) hinggil sa mga kasong serious illegal detention at grave coercion na isinampa sa kanila ng aktor at TV host na si Vhong Navarro.
Sa pahayag ni BJMP spokesperson Inspector Aris Villaester, ala-1:30 kahapon ng hapon nang dumating sa Camp Bagong Diwa ang convoy ng NBI na naghatid kina Lee at isa pang akusado na si Simeon Raz.
Bilang bahagi ng proseso, muling kinunan ng mugshot, finger prints at medical records sina Lee at Raz.
Nabatid kay Villaester, isang linggo munang mananatili sina Lee at Raz sa isolation room bago ilipat sa regular na kulungan at makakasama ang mga pangkaraniwang bilanggo.
Sina Lee at Raz ay kapwa akusado sa kasong serious illegal detention at grave coercion na isinampa sa kanila ni Navarro matapos nilang gulpihin ito noong Enero 22 ng taong kasalukuyan sa condo unit na inuukupahan ng isa pang akusado na si Deniece Cornejo, na matatagpuan sa Bonifacio Global City, Taguig City.
Nabatid na natuloy din ang paglipat sa kanila sa Taguig City Jail matapos ibasura ng korte ang kanilang apelang manatili sa detention cell ng NBI.
Makakasama na rin nina Atty. Gigi Reyes at Janet Lim Napoles si Deniece Cornejo dahil kasamang ibinasura ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 ang apela nito (Cornejo) sa parehong mga kaso, na manatili sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) facility sa Camp Crame.
Kung kaya’t anumang oras ay inaasahang ililipat na rin si Cornejo sa kulungan ng BJMP sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
- Latest