‘Robin Padilla’, 2 pa huli sa holdap
MANILA, Philippines - Tatlong holdaper kabilang ang isang kapangalan ng action star na si Robin Padilla na nambibiktima sa mga UV Express ang nadakip sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis kahapon sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City detention cell ang mga suspek na sina Jeo Lavadia, 18; Kris Lloren 18, at Robin Padilla, 23.
Sa report na natanggap ni Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police alas-4:30 ng madaling araw nang sumakay ang mga suspek sa isang UV Express na may plakang UWG-199 at ang driver nito ay si Tato Kasam, 36, na biyaheng Lawton-Sucat sa CCP Complex, Roxas Boulevard ng naturang lungsod.
Pagsapit sa fly-over ng Buendia Avenue, Pasay City ay nagdeklara ang mga ito ng holdap at tinangay ang mga mahahalagang gamit, cellphone, laptop, at pera ng mga pasahero at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.
Kaagad namang naglunsad ng follow-up operation ang mga kagawad ng Pasay City Police, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong robbery-hold-up sa Pasay City Prosecutor’s Office at nabawi mula sa mga ito ang perang P45,000, tablet at mahahalagang mga kagamitan na kinulimbat sa mga pasaherong nabiktima.
- Latest