Granada natagpuan sa Maynila
MANILA, Philippines - Masuwerteng hindi agad sumabog ang isang granada na natagpuang wala na umano ang ‘pin’ na inihagis sa tapat ng isang condominium malapit sa isang unibersidad sa Taft Avenue, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Manila Police District-Explosive Ordnance Division chief, C/ Insp Arnold Santos, dakong alas- 7:00 ng gabi nang respondehan nila ang isang tawag hinggil sa nakitang granada sa harapan ng Victoria de Manila Condominium malapit sa Philippine Christian University , sa Taft Avenue at panulukan ng Pedro Gil St., Ermita.
Sakaling sumabog umano ang nasabing granada, maaaring magtamo ng pinsala ang mga taong nasa 12 hanggang 15 metro ang lapit.
Sinabi ng isang Artemio Galvez, 67, naglilinis siya sa labas ng gusali ay nakita niya ang granada kaya ipinaalam ito kay Chairwoman Arlene Divinagracia ng Brgy. 696 Zone 76, Malate na siyang nagreport sa pulisya.
Agad na isinara ang magkabilang lane at agad nagtungo si MPD Director General Rolando Asuncion sa lugar habang abala naman ang EOD team sa pagdisrupt sa nasabing granada. Pinasabog na lamang umano ang granada upang hindi na makapaminsala dahil wala na itong pin.
Nauna rito, kamakalawa umano ng gabi ay natagpuan din ang granada sa tapat ng nasabing condominium.
Masusing iimbestigahan kung sino ang responsable sa paghahagis ng granada at ang isa pang nakuhang iniwan sa nasabing condominium.
Posibleng may tinatakot o may sadyang puntirya ang suspek sa paglalagay ng granada sa naturang lugar.
- Latest