24,000 tableta ng Cytotec, nasamsam sa Indian national
MANILA, Philippines - May 24,000 mga tabletang Cytotec ang sinamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa isang Indian national na dumating galing Bangkok, Thailand sakay ng eroplanong Thai Airways flight TG621 kahapon.
Ang Cytotec ay ginagamit bilang gamot sa duodenal ulcer at gastric ulcer pero naging sikat ang nasabing gamot nang gamitin ito bilang pampalaglag o abortion pills.
Sinabi ni Customs police chief, Col. Reggie Tuazon, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Bangkok na isang pasahero na nagngangalang Mohanty Srikant, ang may dalang 24,000 tableta na ipinagbabawal ng Food and Drugs Administration.
Nabatid kay Customs anti-illegal drugs head Sherwin Andrada na pagdating ni Srikant sa NAIA terminal 1, inoobserbahan na ng Customs operatives ang pasahero.
Nang kunin ni Srikant ang kanyang black trolley bag sa baggage carousel, saka naglapitan ang mga awtoridad sa Indian national. Agad na inimbitahan ito para sa interogasyon kung saan ang kanyang bagahe ay mahigpit na ininspeksyon.
- Latest