Chinese traders iimbestigahan sa mataas na presyo ng bawang
MANILA, Philippines - Mga dealer ng bawang sa Divisoria market ang inisyal na nakikitang may pakana umano ng sobrang pagtaas ng presyo ng bawang.
Ito ang lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na inatasan ng Malakanyang matapos maalarma sa biglaang pagtaas ng presyo sa merkado.
Ayon sa source, pawang Chinese traders sa Binondo at Divisoria market ang lumalabas na nagpatong ng sobrang presyo.
Sa 14 na pangunahing palengke sa Metro Manila na inusisa ng NBI, natuklasan na pawang sa Divisoria nagmumula ang kanilang suplay ng bawang.
Ang mga retailer umano ay kumukuha sa wholesaler na mga Chinese traders sa Binondo na kung tutuusin ay nasa P40 hanggang P60 lamang ang kilo ang hango sa importer ng Chinese traders at ipinapasa naman ito sa mga retailer ng napakataas na umaabot pa sa 900 porsyento sa presyo ng pagkabili mula sa importer.
Kabilang sa tinungo ng NBI ang mga palengke sa Pritil na nasa P260 ang kada kilo; Trabajo market na nasa P300; La Huerta market P330; Alabang P280; Baclaran P350; Marikina P280; San Juan P280 (local) at P300 (imported), at Balintawak P260.
Inimbita na ng NBI ang ilang Chinese traders at ang 7 kooperatiba na nabigyan ng may 52 garlic importation permits ngayon taon ng Bureau of Plant Industry.
Aalamin umano kung ano ang mali sa pagbibigay ng permit na dapat ay isa sa bawat bidder lamang ang mapagkakakalooban ng permit na pahihintulutang makapag-angkat ng nasa 5,000 metriko tonelada ng bawang.
- Latest