Libu-libong pamilya inilikas MM naparalisa sa hagupit ni ‘Glenda’
MANILA, Philippines - Sa kabila na hindi direktang tumama sa Metro Manila ang mata ng bagyong si Glenda, nahagip naman ito ng radius ng bagyo na nandoon pa rin ang kalakasan ng hagupit, ayon sa Pag-asa.
Alas-6 hanggang alas-8 ng umaga ng simulang bayuhin ng bagyo ang Metro Manila na dito naranasan ang malalakas na ulan at pagbugso ng hangin.
Gayunman, dahil naman sa maagap na paghahanda, naiwasan ang posibleng malalaking pinsala sa buhay.
Dahil na rin sa pagbayo ng bagyo, karamihan sa tinamong pinsala ng Kalakhang Maynila ay ang mga nagtumbahang puno at poste ng kuryente.
Halos 100 porsiyento rin dito ang nawalan ng kuryente dahil sa bagyo.
Libu-libo namang mga pamilya karamihan ay mga nakatira sa mababang lugar ang agad na inilakas dahil sa pagtaas ng tubig.
Bagamat tumaas ang tubig sa ilang pangunahing lansangan, agad naman itong humupa matapos ang paghagupit ng bagyo.
Sa Pasay City, aabot sa 257 pamilya o 1,006 katao na naninirahan sa mga danger zones ang inilikas sa iba’t- ibang evacuation centers habang nasa 47 pamilya naman ang inilikas sa Brgy. Poblacion sa Makati City.
Sa Navotas City, aabot naman sa 412 pamilya ang inilikas dahil sa pagbaha na sinabayan pa ng high tide sa Manila Bay. Habang isinusulat ito, kinakalap pa ng ibang lungsod ang datos ng mga pamilyang inilikas sa kanilang lugar.
Matapos ang paghampas ng napakalakas na hangin dala ng bagyo, agad na kumilos ang mga lokal na Disaster and Risk Reduction Council sa clearing operations.
Sa Pasay, kasamang nilinis ang nagbagsakan na mga puno at lumipad na yero at ibang debris sa Roxas Boulevard. Ganito rin ang sitwasyon sa ibang lungsod habang sa Valenzuela City, pumulupot naman ang mga tarpaulin banner sa mga kawad ng kuryente.
Sa Muntinlupa City, agad na nagpulong ang Sangguniang Panglungsod upang magdeklara ng “state of calamity” dahil sa laki umano ng pinsala ng bagyo sa lungsod.
Sa Caloocan City naiwasan din naman ang malalaking pinsala bukod sa mga natumbang puno at maliliit na poste.
Nagdeklara naman ng suspensyon ng klase sa preschool hanggang highschool ngayong Huwebes ang mga lungsod ng Pasay at Pateros habang nagdeklara na may pasok na sa Valenzuela. Hinihintay naman ang deklarasyon ng ibang lungsod.
Umaabot naman sa 1,864 pamilya sa lungsod ng Maynila ang dinala sa mga evacuation centers matapos na maapektuhan ang kanilang bahay ng bagyong Glenda.
Siniguro naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila na sapat ang lahat ng pangangailangan ng mga evacuees mula sa gamot, damit hanggang pagkain.
Daan-daang residente naman na naninirahan sa tabi ng Marikina River ang inilikas ng city government kahapon matapos na umabot na sa ikalawang alarma o higit sa 16 metro ang taas ng tubig sa ilog.
Kaugnay nito, binuksan na rin ang lahat ng walong floodgates sa Manggahan Floodway sa paanan ng Marikina River upang makatulong na mapababa kaagad ang tubig.
Sa Twitter account ng Marikina City government, nabatid na umaabot sa 92 pamilya o 562 indibidwal mula sa tatlong barangay ang kanilang inilikas pagsapit ng alas-10:40 ng umaga kahapon.
Sa lungsod Quezon, tinatayang nasa 1,000 pamilya ang inilikas.
Maraming kalsada rin ang binaha, partikular sa Roxas District na mistulang naging Olympic-sized swimming pool ang baha habang abot-dibdib naman ang tubig sa Araneta Avenue kaya hindi madaanan ng halos lahat ng uri ng sasakyan.
Hindi rin makadaan pa sa kalye ng Talayan, dahil sa taas ng tubig, habang maraming nagbagsakang puno sa center island at gilid ng bangketa sa Commonwealth Avenue dahilan upang hindi makadaan ang mga sasakyan.
Isang pader din sa T. Morato corner Scout Borromeo, Brgy. South Triangle, ang gumuho at dalawang lalaki ang sugatan matapos madaganan ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Ibinalik na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding sa mga pangunahing kalsada sa pagbabalik sa normal na panahon sa Kamaynilaan ngayong araw.
Kahapon, sinuspinde ang number coding dahil sa pagtama ng bagyong Glenda habang binaha naman ang maraming kalsada.
Kabilang sa binahang mga kalsada ang malaking bahagi ng EDSA kasama ang Guadalupe-Estrella southbound (leg deep), Orense-Estrella (leg deep), EDSA Boni (ankle deep), C5 Palar-C5 SM Aura (half tire deep), Araneta Ave.-Ma. Clara sa Quezon City (waist deep) at mga kalsada sa Rizal Ave. sa Caloocan at Taft Ave. sa Maynila.
Sa Makati City, apat na sasakyan ang napinsala nang mabagsakan ng isang puno. Ang mga sasakyan ay pawang nakaparada sa may Lapu-lapu St. sa Brgy. Magallanes ang nabagsakan ng dambuhalang puno.
Tinamaan rin ang unahan ng isang Hyundai Starex na dumaraan sa kalsada. Masuwerteng hindi naman nasapul ang driver nito.
Agad rin namang kumilos ang clearing operations team ng MMDA para matanggal ang mga debris sa mga pangunahing lansangan.
- Latest