Tandem niratrat, kapwa utas
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang kalalakihang lulan ng motorsiklo makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang sugatan din ang mag-ama na tinamaan ng ligaw na bala kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Parehong dead-on-the-spot ang mga biktimang nakilalang sina King Philip Borja, 30; at Eliseo Tana, 52, na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre .45 at 9mm na baril sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sugatan naman ang mag-amang sina Apronio Andrino, 39; at John Nikol, 15. Ayon sa Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi sa Buenaventura St., Brgy. Tangos ng naturang lungsod.
Nabatid na angkas ni Borja sa Mio motorcycle na for registration si Tana at habang binabagtas nila ang kahabaan ng M. Domingo St. ay bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga suspek na naging dahilan ng agarang nilang kamatayan.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang iniwan nilang duguan at walang buhay ang mga biktima. Samantala, dinala naman ang mag-ama sa nasabing pagamutan matapos tamaan ng ligaw na bala.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril.
- Latest