Sa ocular inspection ng NBI: Witness tinukoy kung saan isinagawa ang hazing
MANILA, Philippines - Isinagawa kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ocular inspection kasama ang ilang testigo sa bahay kung saan isinagawa ang initiation sa mga neophytes ng Tau Gamma Phi fraternity kung saan nasawi si Guillo Cesar Servando.
Kasabay nito, inilabas na rin kahapon ng NBI ang mga larawan ng ilang miyembro ng fraternity na sangkot sa hazing.
Ipinahayag naman ng Makati City Police na tiwala silang maisasampa sa linggong ito ang kaso laban sa mga sangkot sa hazing. Ayon kay SPO1 Nilo Sadsad na hinihintay na lamang nila ang ikatlong biktima sa hazing na isang minor para pormal na maisumite ang sworn affidavit sa NBI man o sa kanila.
Nilinaw nito na bagamat nagsasagawa ang NBI ng parallel investigation, ang Makati City police ang siyang magsasampa ng kaso sa mga suspects.
Dalawang neophytes na kasama ni Guillo sa naganap na hazing na sina John Paul Raval at Lorenze Agustin ay kapwa nakapagsumite na ng sworn affidavits. Idinetalye rin ng mga ito ang mga pangyayari.
Sa pahayag ni Raval, sampung miyembro ng fraternity ang kanyang pinangalanan. Kabilang sa kinilala nito na nasa bahay kung saan isinagawa ang hazing ay sina Cody Morales, na sinabi niyang head o Lord Grand Triskelion, Pope Bautista, Trex Garcia, Hans Tamaring, isang alyas Navoa, alyas Rey Jay, alyas Mike, alyas Kurt, alyas Louie at alyas Emeng, na sinabi niyang master initiator.
- Latest