P7-M pirated DVD nasamsam
MANILA, Philippines - Nasa 60 sako ng mga piniratang DVD na nagkaÂkahalaga ng P7 milyon ang nakumpiska mula sa 15 tindahan matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Makati City Police at Optical Media Board ang isang shopping mall sa Makati City kahapon.
Nabatid kay OMB Chairman Ronnie Ricketts, alas-2:45 ng hapon nang salakayin ang ikalawang palapag ng Makati Cinema Square sa Chino Roces Avenue ng nasabing lungsod katuwang ang mga tauhan ng Makati Anti-Drug Abuse Council sa pamumuno ni Police Supt. Magnos Sanchez.
Ang pagsalakay sa naturang shopping mall ay isinagawa nang makatanggap ang mga awtoridad na ang mga may-ari ng tindahan ay muling nagbalikan at nagbebenta ng mga piniratang mga DVD.
Bahagyang nagkaroon ng komosyon matapos patayin ang ilaw sa buong mall.
Sinabi ni Ricketts na nasa 15 tindahan na nagbebenta ng mga piniratang DVD ang kanilang naipasara nang isagawa nila ang serye ng pagsalakay.
Bukod pa aniya rito, nagsagawa rin sila ng pagsalakay sa lugar ng Baclaran at Divisoria na kung saan libu-libong sako ang kanilang nakumpiska.
- Latest