Sunog sumiklab sa palengke
MANILA, Philippines - Sumiklab ang isang sunog kahapon ng umaga sa hilera ng mga tindahan sa isang palengke sa Baclaran, Parañaque City kahapon ng umaga.
Dakong alas-7:20 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa isang stall sa Flores Market sa Mabuhay Street, Brgy. Baclaran na pag-aari ng isang Tsinong negosyante.
Mabilis na kumalat ang apoy sa tatlo pang katabing puwesto na pawang mga plastic ang paninda.
Masuwerte namang may firewall na nakaharang sa ibang stalls at napigilan ang pagkalat ng apoy habang naging mabilis rin ang pagresponde ng mga bumbero at nagawang maapula ang apoy dakong alas-7:52 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng ari-ariang natupok sa sunog na hinihinalang nagmula sa hindi maayos na linya ng elektrisidad. Wala ring naiulat na nasaktan sa insidente.
Matatandaan na isang malaking sunog ang sumiklab sa isang bodega sa Baclaran noong Agosto 2013 na umabot ng higit sa 20 oras at tumupok sa higit P3 milyong halaga ng mga paninda.
- Latest