Tsinoy itinumba sa Malabon
MANILA, Philippines - Droga ang isa sa mga anggulong sinisiyasat ngayon ng pulisya makaraang isang 47-anyos na Tsinoy ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakilalang mga suspek kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Dead on the spot ang biktimang si Charm “Carlito†So, ng Sanchez Extension, Brgy. Tinajeros ng naturang lungsod sanhi ng tinamong ilang tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib buhat sa kalibre .45 baril.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni P01 Benjamin Sy Jr., ng Station Investigation Branch (SIB), Malabon City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Sanchez St., Brgy. Tinajeros sa siyudad.
Nabatid, na nasa loob ng kanilang bahay ang biktima nang makarinig ng mga palakpak na naging dahilan upang lumabas ito. Makalipas ang ilang sandali ay bigla na lamang nakarinig ng sunud-sunod na mga putok ng baril sa labas ng kanilang bahay na nang labasin ng kanyang ama ay doon nakita ang anak na nakasubsob ang mukha sa semento at wala ng buhay.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek kung saan narekober ng mga pulis ang ilang basyo ng kalibre .45.
Base sa rekord ng pulisya, nabatid na noong Agosto 3, 2010 ay nakulong ang biktima dahil sa pagkakasangkot nito sa ipinagbabawal na gamot.
Aminado ang pamilya ng biktima na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot at dalawang beses na aniya itong naipasok sa rehabilitation center.
- Latest