Nang-hostage ng kaanak, tumalon mula 4th floor ng QC hall of justice
MANILA, Philippines - Muli na namang nasangkot sa gulo si Jerry Lo, ang suspek na nanghostage sa kanyang limang kaanak at sumaksak sa kanyang nanay at isang pinsan kamakailan sa lungsod Quezon.
Ito ay matapos na tumalon si Lo sa ika-apat na palapag ng gusali ng Quezon City Hall of Justice kahapon ng umaga, habang isinasalang sa inquest proceeding na nagresulta sa malubha niyang kalagayan at pagkakasugat ng isang ginang, ayon sa ulat ng Police Station 10.
Ayon sa pulisya, sa kasalukuyan si Lo, ay nailipat na sa Jose Reyes Memorial Hospital matapos na dalhin sa East Avenue Medical Center kung saan siya dinala matapos na tumalon sa nasabing gusali.
Sugatan naman ang isang Elvira Guerson, miyembro ng Department of Public Order and Safety na nabagsakan ng gumuhong debris ng tindahan kung saan bumagsak si Lo.
Sabi ni Senior Inspector Richie Claraval hepe ng Quezon City Hall Police Detachment, nangyari ang insidente sa may ika-apat na palapag ng QC-RTC sa may city hall, ganap na alas-11:15 ng umaga.
Diumano, si Lo, 22 ay dinala ng mga operatiba ng Quezon City Police District Station 1 sa hall of justice para isalang sa inquest proceedings dahil sa kasong panghohostage sa kanyang kaanak nitong Lunes.
Habang naghihintay na maisalang sa sala ni City ProÂsecutor Ramoncito Ocampo, ay naglakad lakad umano sa pasilyo si Lo, hanggang sa biglang tumalon paibaba, at direktang bumagsak sa bubungan ng canteen kung saan kumakain ng tanghalian si Guerson na binagsakan nito kasama ng bubungan.
- Latest