Killer ng parak, arestado

MANILA, Philippines - Arestado ng pulisya ang isa sa tatlong suspek na bumaril at pumatay sa isang pulis sa isang follow-up operation sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Senior Inspector Bernard Pagaduan, hepe ng Intelligence Section ng Pasay City Police ang nadakip na suspek na si Roger Rabie “alias Toto Buto”, 32,  residente ng Apelo Cruz St., Brgy.  157 Zone-16 ng naturang lungsod.

Base sa imbestigasyon ng pulisya  alas-7:30 ng gabi ng makatanggap sila ng impormasyon na ang isa sa tatlong suspek na bumaril at pumatay  kay SPO1 Jesus Tizon,  na dating nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 7 ay nasa isang bahay sa may Apelo St. at armado ng baril.

Dahil dito, agad na bumuo ng team ang pamunuan ng Pasay City police  para sa isasagawang operation laban sa  suspek. Sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa kahabaan ng Apelo Cruz St. at nagresulta sa pagkakadakip sa naturang suspek, Nakuha rito ang isang baril at isang plastic sachet ng shabu. Matatandaan na si SPO1 Tizon ay binaril at pinatay kamakailan lamang  matapos nitong arestuhin ang isang tulak ng droga sa naturang lugar.

 

Show comments