Riot: Binatilyo sugatansa ligaw na bala
MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na binatilyo ang malubhang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala sa naganap na rambulan ng mga kabataan sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Station 6, ang sugatang biktima ay nakilalang si Crisanto Sanchez, at residente ng Lower Sto. Niño St., Payatas A, sa lungsod.
Ang binatilyo ay nakaratay ngayon sa East Avenue Medical Center habang ginagamot ang kanyang sugat na natamo sa sikmura buhat sa tama ng bala ng sumpak.
Sa ulat ni SPO1 Roldan dela Cruz, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Lower Sto. Niño corner San Lucas St., Payatas B, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Diumano, nakatayo ang biktima sa nasabing lugar, kung saan mula rito ay nagrarambulan naman ang dalawang grupo ng mga kabataang miyembro ng fraternities na M-Star at Angel.
Sa gitna ng riot, isang miyembro ng M-Star fraternity na umano’y may dalang sumpak ang nagpaputok patungo sa direksyon ng kanilang kalabang grupong Angel Fraternity dahilan para tamaan ng ligaw na bala ang biktima.
Nang sugatang tumumba ang biktima ay saka naman nagpulasan ng takbo sa magkakaibang direksyon ang dalawang gang. Habang ang biktima naman ay isinugod sa nasabing ospital.
Ang riot ng mga kabataang miyembro ng fraternity ang matagal nang reklamo ng maraming residente sa lugar, dahil bukod sa nakakabulabog ang mga ito sa katahimikan ng gabi, nakakaperwisyo pa sa sandaling may madisgrasya silang ibang tao.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest