Van salpok sa truck: 9 sugatan
MANILA, Philippines - Siyam na pasahero ng isang pampasaherong van ang sugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nila sa nakahimpil na truck sa gitna ng Commonwealth Avenue, lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 5, ang mga biktima ay nakilalang sina Jurman Gargoles, 39; Dona Marie Pascua, 22; Catherine Valiente, 18; Nara Gail Ann Casanes, 23; Melchor Buendia, 42; Maria Virginia Buena, 40; Angeline Quilos, 28; Albert Alejo, 28; at Ruelyn Tabuquen.
Sila ay magkakahiwalay na isinugod sa Malvar hospital at East Avenue Medical Center makaraang magtamo ng mga galos at pasa sa kanilang katawan.
Ayon sa ulat ni PO2 Alejandro Moises ng PS5, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa harap ng Puregold , sa Brgy. Culiat ganap na alas- 9:50 ng gabi.
Sinasabing sakay ang mga biktima ng isang Hi-ace van na UV Express (UVK-815) na minamaneho ng isang Jovee Canciller, 32, kasama ang iba pang pasahero nang pagsapit sa naturang lugar ay sumalpok ito sa nakatigil na Isuzu Elf (QQ-141) na dala naman ng isang Dave Fajardo 54.
Sinasabing nakatigil sa naturang kalye ang nasabing truck dahil nagpipintura ng linya ng kalsada ang mga sakay nito na pawang mga trahabador sa proyekto ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Pero dahil sa bilis ng van, hindi nito napuna ang truck na may nakalagay pang warning device sa kalye, at may mga tao pang nagmamando sa trapik kung kaya direktang tinumbok ng una ang hulihang bahagi nito.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay nawasak at nayupi ang unahang bahagi ng van sanhi para humampas naman sa loob ang mga pasahero nito at magtamo ng sugat ang mga biktima.
Ayon sa PS5, inihahanda na nila ang kasong isasampa laban sa driver ng van.
- Latest