Vendor itinumba ng tandem, 2 pa sugatan
MANILA, Philippines - Bulagta ang isang kwek-kwek vendor matapos na ratratin ng riding-in-tandem habang dalawa naman ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala sa Brgy. Old Balara, Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Ramil Antibagos, 34, residente ng Brgy. Old Balara, Quezon City.
Nilalapatan naman ng lunas sa paÂgamutan ang mga sugatan na sina Domer Calawigan, 32, warehouse man, nanuÂnuluyan sa Megacom Construction and Electric Supply at Reynante Aranada, 27, barker, ng Luzon Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City.
Ayon kay PO1 Julius Raz, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa tapat ng Megacom Warehouse na nasa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara ganap na alas-10:42 ng umaga.
Bago ang insidente, abala si Antibagos sa pag-aayos ng kanyang panindang kwek kwek nang biglang dumating ang dalawang magka-angkas na suspect sa isang motorsiklo. Mabilis na bumaba ang isa sa mga suspect at walang habas na pinagbabaril si Antibagos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo ni Antibagos ngunit sinundan pa rin ito ng isang suspect habang pinapuputukan hanggang sa humandusay ang una sa kalsada at malagutan ng hininga.
Sina Calawigan at Aranada na nakatayo malapit sa pinangyarihan ng insidente ay tinamaan ng ligaw na bala at agad na isinugod sa East Avenue Medical Center.
Nabatid sa pagsusuri na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Antibagos habang si Calawigan ay nasugatan sa braso at si Aranada ay nagtamo ng sugat sa kilikili nito.
- Latest


















