Bangkay ng paslit, lumutang sa ilog
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng isang batang lalaki ang lumutang sa Pasig River na sakop ng Brgy. Buting sa Pasig City kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng 4-6-anyos, may taas na 3-4’’, maitim, nakasuot ng kulay dilaw na sando na may imprentang PUPANKS at brown na short.
Ayon kay P/Chief Insp. Oscar Boyles, hepe ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, dakong alas-8:45 ng umaga nang madiskubre ng mga miyembro ng Pasig River Patrol ang bangkay ng paslit na palutang-lutang sa Pasig River, malapit sa Buting Flood Control sa E. Mendoza St., Brgy. Buting.
Agad nilang itinawag ang insidente sa Emergency Response Team 105 upang maiahon ang bangkay.
Hindi umano kilala ng mga residente doon ang biktima kaya’t hinala ng mga awtoridad na inanod lamang sa lugar ang bangkay.
Naniniwala ang mga awtoridad na posibleng nadulas lamang ang bata sa ilog at nalunod, at inanod ang bangkay nito.
Ang bangkay ng biktima ay pansamantalang nakalagak sa Saint Bernadette Funeral Parlor habang hinihintay na kilalanin ng mga kaanak nito.
- Latest