MANILA, Philippines - Isang mister ang nasawi matapos na paulanan ng bala ng riding-in-tandem habang ang una ay nanonood ng telebisyon kasama ang kanyang pamilya sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Si Rolando Padua, 44, janitor ay nakita na lamang ng kanyang asawa habang duguang nakahandusay matapos ang mga putok ng baril.
Ayon kay PO2 Dennis Llapitan, imbestigador sa kaso tanging ang motorsiklo na ginamit ng mga suspect ang natukoy ng ilang saksi na isang Honda XRM na kulay silver pero walang plaka.
Nangyari ang insidente, ganap na alas-7:30 ng gabi sa loob mismo ng bahay ng biktima na matatagpuan sa Hukbo St., Area 1-A, Veterans Village, Brgy. Pasong Tamo, sa lungsod. Bago ito, nanonood umano ng telebisyon ang biktima kasama ang kanyang asawang si Cristina at dalawang anak sa loob ng kanilang bahay nang biglang umalingawgaw ang mga putok ng baril malapit sa kanila.
Dahil dito, agad na dumapa ang asawa at mga anak ng biktima sa takot, at matapos makalipas ang ilang minuto nang tignan ni Cristina ang asawa ay duguan na ito habang nakahiga sa sahig.
Agad ding humingi ng tulong si Cristina sa mga kapitbahay at isinugod ang biktima sa Malvar General Hospital kung saan idineklara rin itong dead-on-arrival.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspect at motibo ng pamamaslang sa biktima.