MANILA, Philippines - Nalambat na ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang kalalakihan na umano’y responsable sa pangÂhoholdap sa mga aircon bus sa kahabaan ng EDSA, ilang minuto makaraang muling umatake sa isang bus sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang mga suspect na sina Jeffrey Roma, 30; Christopher Cutamora, 39; Jim Lord Paraiso, 32; Domingo Corporal, 33; at Ramon Pura, 43; pawang mga residente ng Pasig City.
Ayon kay SPO2 Apolonio Basit, ng CIDU, halos ilang buwan na nilang tinutugaygayan ang grupo ng mga suspect dahil sa impormasyong paÂngunahing tumitira ang mga ito ng aircon bus sa kahabaan ng Edsa at tatakas pagsapit sa nasasakupan ng Quezon City.
Sa ulat ni PO2 Rhic Roldan Pittong, may-hawak ng kaso, naaresto ang mga suspect sa may kahabaan ng EDSA malapit sa gate ng White Plains, Brgy. White Plains, sa lungsod ganap na alas 4 ng madaling-araw.
Bago nito, ipinadala ng QCPD-CIDU ang tropa ni Basit sa kahabaan EDSA sakay ng isang mobile car QC-41 at isang private vehicle para magsagawa ng surveillance laban sa talamak na robbery holdap sa lugar.
Habang nagpapatrulya, naispatan ng grupo ang komosyon sa loob ng Taguig Metrolink bus habang papadaan sa Edsa, Ortigas. Dahil dito, agad nilang sinundan ang bus saka pinahinto, pagsapit sa White Plains.
Paglapit ng tropa ni Basit sa bus, isang pasahero ang nagturo sa mga una hingil sa limang kalalakihan na umano’y responsable sa panghoholdap sa kanila sa loob ng bus.
Dahil dito, agad na kumilos ang mga awtoridad at nagpakilalang pulis saka inaresto ang mga suspect.