Bilang ng pasahero sa LRT, lumobo sa 1st day ng iskul
MANILA, Philippines - Nabulaga ng biglaang paglobo sa bilang ng mga pasahero ang Light Rail Transit Authority (LRTA) Line 1 kahapon sa unang araw ng pasukan kung saan naging napakahaba ang pila sa kanilang mga istasyon.
Nabatid na sa Monumento Station, umabot ng higit sa 50 metro ang haba ng pila buhat sa bukana ng istasyon at hanggang sa kalsada ng JP Rizal Avenue.
Humaba ang pila dahil sa ipinatutupad na crowd control ng LRTA kung saan niliÂlimitahan ang bilang ng pasahero bawat platform at hindi agad nagpapapasok sa loob.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa ilan pang mga istasyon na nagkaroon din ng pila. Nawala lamang ang mahabang pila pasado alas-9 at alas-10 na ng umaga.
Sinabi ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na ipinatutupad nila ang crowd control upang maiwasan ang kaguluhan sa loob ng mga istasyon dahil sa mga nagsisiksikan na mga pasahero. Ginagawa rin ito upang maiwasan ang pagtutulakan ng mga pasahero kung saan nasasaktan ang mga matatanda, bata at ang kababaihan kapag nagsasakay ang kanilang mga tren.
Nakakatulong din umano ito upang hindi makapanamantala ang mga mandurukot sa sobrang siksikan sa mga istasyon ng mga pasahero.
Ipinatutupad ang passenger limit per platform sa Roosevelt Station hanggang Doroteo Jose mula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga at sa Carriedo hanggang Baclaran Station mula alas-4 hanggang alas-8 ng gabi.
- Latest