Holdaper patay sa parak
MANILA, Philippines - Isa sa limang holdaper ang patay nang makabarilan ang tropa ng pulisya na rumesponde sa panghoholdap ng grupo ng una sa isang bus sa lungsod Quezon, kamaÂkalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 10, ang naÂsawing suspect na tinatayang nasa edad na 15-20, may taas na 5’7’’, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na shorts, may hikaw sa kanang tenga at silver na kuwintas.
Ang suspect ay nasawi makaraang tangkain nitong manlaban sa mga rumespondeng operatiba ng PS10 sa panghoholdap nila sa isang pampasaherong bus, kasama ang apat pang lalaki na mabilis na nakatakas.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng EDSA southbound, corner Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, ganap na alas-10 ng gabi.
Sinasabing sumakay ang mga suspect sa pampaÂsaherong bus na may biyaheng Navotas-Baclaran route sa may North EDSA.
Pagsapit umano sa Mother Ignacia Street, biglang nagÂlabas ng balisong ang mga suspect at nagdeklara ng holdap.
Agad na pinagkukuha ng mga suspect ang gamit at pera ng mga pasahero, saka mabilis na bumaba. Pero hindi pa man sila nakakalayo ay dumating na umano ang isang mobile patrol car ng PS10 na rumesponde sa tawag ng isang concerned citizen.
Sinasabing habang papalapit ang mga operatiba ay bigla silang inatake ng saksak ng suspect, dahilan para paputukan ito ng pulisya. Habang ang iba pang kasamahan ng suspect ay mabilis na tumakas.
- Latest