Motorsiklo salpok sa poste: 1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang rider habang malubha namang nasugatan ang kapatid nito makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kongkretong poste ng Meralco sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Si Jonathan Gutierrez, 32, ay agad na binawian ng buhay matapos ang grabeng pinsala sa kanyang ulo at katawan dulot ng pagkakasalpok, ayon kay SPO4 Raymundo Layug, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 1. Sugatan naman ang kanyang kuya na si Geofrey, 34.
Ayon sa pulisya, kakasuhan nila ang inspector ng Meralco na si Eduardo Retondo, dahil kung hindi umano nakakalat sa kalsada ang mga wire na kanilang pinutol ay maaaring walang aksidenteng naganap.
Posible ring masama sa kaso ang mga escort nitong mga pulis na sina PO1s Jeffey Valderama at Joe Peter Dasalla, kapwa nakatalaga sa Bicutan dahil sa kapabayaan sa pangyayari.
“Kasi andon sila nang mangyari ang insidente na para umasiste sa ginagawa ng taga-Meralco pero wala sila, kaya bahala na ang piskalya na mag-decide kung kakasuhan sila, ayaw naman nating masabihan na may cover-up at sabihing bakit hindi sinama ang mga pulis,†paglilinaw ni Layug.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nangyari ang insidente sa kahabaan ng A. Bonifacio St., corner Abao St., Brgy. Paang Bundok sa lungsod ganap na alas-12:15 ng madaling-araw.
Diumano sakay ng kanilang motorsiklo ang magkapatid at tinatahak ang nasabing kalye nang pagsapit sa panulukan ng Abao St., kung saan may gumagawang mga tauhan ng Meralco na nagpuputol ng mga kawad ng kuryente nang pumulupot sa gulong ng motorsiklo ang pinagpuputol na kawad ng kuryente kung kaya hindi na nagawang tumakbo nito ng maayos. Nawalan umano ng kontrol sa manibela si Jonathan at dahil sa bilis ng kanilang takbo ay nagdire-diretso ito sa poste at sumalpok.
Sa lakas ng impact, tumalsik mula sa motorsiklo ang magÂkapatid na ugat para magtamo ng matinding pinsala sa kanilang mga katawan. Katwiran naman ni Retondo, wala umano silang kasalanan dahil may inilagay anya silang warning device sa kalye para umiwas ang magdaraang motorista.
- Latest