Medical rep huli sa 10 kahon ng iligal na droga
MANILA, Philippines - Isang babaeng medical representative ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang entrapment operation sa Makati City kung saan nakumpiska dito ang 10 kahon na naglalaman ng ipinagbabawal na gamot.
Sa ulat ng PDEA, nakilala ang nadakip na si Cherry Anne Que, 33, residente ng Block 13, Lot 79, Phase 6, Carmona Estates SubÂdivision, Carmona, Cavite City. Nagsu-suplay umano ang suspek ng mga gamot sa mga lisensyadong botika ngunit suma-sideline rin sa iligal.
Nabatid na isinagawa ang entrapment operation laban kay Que nitong Pebrero 18 makaraang makalikom ng intelligence report sa iligal nitong aktibidad. Isang ahente ng PDEA ang nagpanggap na buyer ng drogang Oxycodone Hydrochloride, isang uri ng pain reliever na may kaparehong epekto ng morphine.
Hindi na nakapalag si Que nang arestuhin makaraang tumanggap ng marked money sa transaksyon sa tapat ng isang botika sa may Amorsolo St., Makati. Nakumpiska sa kanya ang 10 kahon ng naturang gamot na may brand na Oxycontin na may lamang 28 tabletas na may dosage na 40 milligrams bawat isa.
Isang plastic container pa ang nakuha kay Que na may lamang 20 pang tabletas. Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng mga iligal na drogang nakumpiska. Nakumpiska rin ang gamit nitong Toyota Vios (ZMX-986) at ang buy bust money.
Ayon sa PDEA, kabilang ang Oxycodone sa mga “dangeÂrous drugs†na tinukoy ng United Nations noong 1961.
- Latest