48-anyos doktora binoga sa ulo
MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na babae ang natagpuang patay na may tama ng bala sa ulo sa loob ng kanyang tinutuluyan sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Sa inisyal na impormasyon ni Supt. Marcelino Pedrozo, hepe ng QCPD Police Station 10, nakilala ang biktima na si Dr. Elena Baladad, nakatira sa may #5 Madre Ignacia corner Ojeda. Brgy. Paligsahan.
Si Baladad ay nadiskubre ng kanyang pinsan na si Francis John Sabariaga, habang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang tinutuluyan, pasado alas-3 ng hapon.
Ayon kay Pedrozo, posibleng kilala ng biktima ang salarin dahil sa walang nakitang force entry sa loob ng bahay nito.
Bukod dito, may CCTV sa loob ng bahay pero nawawala ang digital recording nito na indikasyon na ninakaw ng salarin para hindi siya makita.
Narekober din ang kalibre 38 baril sa nasabing lugar, pero inaalam pa kung ito ang ginamit sa pagpatay sa biktima.
Kinukumpirma rin kung dating isang optoÂmetrist ang biktima.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa anya nila ang nasabing insidente.
- Latest















