Kalaguyo ng misis, utas sa mister

MANILA, Philippines -  Patay ang isang construction worker matapos na pagsasaksakin ng isang mister nang maaktuhang katabi nito sa kama ang live-in partner ng huli  sa Pasig City kahapon ng umaga.

Saksak sa noo at dibdib ang tumapos sa buhay ng biktimang si Mario Nanggan, 25, ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Palatiw, Pasig City.

Pinaghahanap naman na ng mga awtoridad ang suspek sa krimen na nakilalang si Paul Maga, 25, ng Brgy. Pinagbu­hatan, Pasig City.

Lumilitaw na dakong alas-7:45 ng umaga nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang silid.

Sa inisyal na imbesti­gasyon, sinasabing bago ang krimen ay may nakakarating nang usap-usapan sa suspek na may relasyon ang kanyang kinakasamang si Juliet at ang biktima.

Upang mapatunayan ang ‘tsismis’ ay nagtungo umano ang suspek sa bahay ng biktima dakong alas-8:00  ng gabi kamakalawa.

Dito ay napatunayan umano ng suspek na totoo ang tsismis nang umano’y ma­aktuhan niyang magkata­bing natutulog ang dalawa sa silid ng biktima.

 

Show comments