15 pulis sibak sa NCRPO
MANILA, Philippines - Aabot sa 15 pulis-Metro Manila ang panibagong sinibak sa tungkulin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Leonardo Espina dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kasong kriminal at administratibo.
Sa ikaapat na paglilinis ni Espina sa hanay ng pulisya mula nang umpisahan niya ito noong Setyembre 7, muling iginiit ng heneral na ito ay upang tuluyang matanggal na sa serbisyo ang mga pulis na bugok, tamad at walang silbi upang lubusang mabago ang imahe ng pambansang pulisya.
Kabilang sa mga panibagong pinatatanggal sa tungkulin ay sina PO2 Michael at PO1 Aldrin Ignacio Soriano (Quezon City Police District-robbery extortion, arbitrary detention); PO1 William Cristobal (Manila Police District-frustrated murder); PO1 Orlando Medico (QCPD-illegal drugs); PO3 Resty Cunanan (Southern Police District-threats, malicious mischief, trespassing); PO2 Eliseo Santos at PO1 Jeremias Englis Jr. (QCPD-failure to prosecute drugs case); PO2 Ronilo Marquez (MPD-court non-appearance); SPO2 Josefino Agustin (NCRPO-illegal solicitation); PO1 Nomer Getiada (QCPD-grave threat), PO1 Roemer Mondido (NCRPO-alarm and scandal); SPO2 Abdurahmin Madueno (SPD); PO2 Grant Fausto Savedia (MPD) at PO1 Agustin Panelo (QCPD) dahil sa pagiging AWOL at NUP Bernardo Sasi (physical injuries).
Ibinaba naman ng isang ranggo o na-demote ang mga pulis na sina PO2 Marlon Blando at PO2 Bernardo Lapaz dahil sa pag-a-AWOL (absent without leave) at si PO3 Michael Pablo ay na-demote bunga ng kinakaharap na kasong grave misconduct.
Pinatawan naman ng suspension habang nahaharap sa imbestigasyon sa iba’t ibang kasong administratibo at kriminal ang nasa 35 pang pulis.
Sa kabuuan, mula nang maupo si Espina sa NCRPO, umaabot na sa 73 pulis ang nasisibak sa tungkulin, nasa 18 ang na-demote habang nasa 61 na ang nabigyan ng suspensyon.
- Latest