1 patay, 1 sugatan sa pamamaril ng doktor
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang namatay habang isa pa ang sugatan matapos na mabaril ng umano’y doktor kamakalawa sa Quezon City.
Nasa kustodiya ngayon ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit si Dr. Arnold de Vera, 57, ng #43 E. Rodriguez St., Bgy. Immaculate Concepcion kasunod ng nangyaring pamamaril sa may panulukan ng New York Street, at E. Rodriguez Blvd., Bgy. Immaculate Concepcion sa lungsod.
Ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga, ang naarestong suspect na isang surgeon ay itinuturong bumaril at nakapatay sa isang Erwin Laguindao, 27, isang empleyado ng House of Precast na matatagpuan sa E. Rodriguez St.
Si Laguindao ay nasawi, habang ang pamangkin nitong si Renato Laguindao, 18 ay nasugatan dahil sa tama ng bala sa kaliwang balikat.
Nangyari ang insidente sa may panulukan ng New York at E. Rodriguez Streets, ganap na alas-9:10 ng gabi nang dumating umano si De Vera sa bakery na umano’y lasing at nagbitaw ng masasamang salita sa mga biktima, bago umalis.
Sinabi ni Renato, nakipagtalo umano ang doktor sa isa nilang kasamahan na nakilala lamang sa pangalang Randy na umalis naman agad, bago siya dumating.
Makalipas ang 15 minuto, umalis na rin sa bakery ang biktima at mga kasamahan nito. Habang sila’y naglalakad, sabi pa ni Renato na nakita niya ang suspect na armado at biglang nagpaputok sa direksyon nila.
Mabilis namang rumesponde ang mga barangay tanod sa lugar at inaresto ang suspect. Habang ang dalawang biktima ay itinakbo sa ospital, pero huli na para kay Erwin.
- Latest