Bilibid muling nabulabog

MANILA, Philippines - Muling nabulabog ang mga bilanggo ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) matapos aksidenteng pumutok ang baril ng isang prison guard officer,  kahapon sa Muntinlupa City.

Kaagad na isinugod sa NBP Hospital si Jail Insp. Bobby Veneracion matapos madaplisan ng bala ng pumutok niyang service firearm sa kanang hita.

Sa imbestigasyon ng NBP,  naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon sa Maximum Security Compound, nang aksidenteng pumutok ang service firearm ni Ve­neracion.

Labis namang nag-alala ang mga kaanak ng mga bilanggo  sa panibagong insidente dahil sa pangambang muling masususpinde ang kanilang pribilehiyo na makadalaw sa kanilang  mahal sa buhay ng nakakulong dito.

Magugunita na sinuspinde ng limang araw ang mga pribilehiyong ipinagkakaloob sa mga bilanggo at sa kanilang mga kaanak matapos ang insidente ng pagsabog ng granada sa loob na naturang bilangguan.

 

Show comments