Pulis na nakapatay sa massacre suspect, kinasuhan
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong homicide ng Manila Police District ang kanilang kabaro na nakabaril at nakapatay sa suspect na nagmasaker sa Maynila sa tatlo katao.
Ito ang nabatid kahapon kay Sr. Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section, kasunod ng insidente ng pagkakabaril kay Nestor Delizalde Jr., ni PO3 Michael Pastor, operatiba ng MPD-DPIOU sa loob ng mobile car.
Gayundin, nabatid na pumunta kamakalawa ang mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR), para humingi ng kaukulang report kaugnay sa nangyaring insidente.
Paliwanag ni De Ocampo, ang pagsasampa ng kaso kay Pastor ay ginawa kasunod ng pagbatikos ng CHR sa panibagong insidente ng pang-aagaw ng baril.
“Talaga namang nang-agaw ng baril, e, anong magagawa natin,” ayon kay De Ocampo.
Sinabi ni De Ocampo na dalawang kasamang preso ni Delizalde na sina Kenneth Soto at Juvonne Tolentino, ang nakarinig na nagpaalam umano ang una na mang-aagaw na lamang siya ng baril.
Si Delizalde ang itinuturong suspect sa pag-masaker sa BDO executive na si Evelyn Tan, 40; inang si Teresa, 60, at kanilang kasambahay na Cristina Bartolay, 22, noong Nobyembre 11 sa loob ng kanilang tahanan sa Sta. Cruz, Maynila.
- Latest