P.8-M pera at alahas: Biyuda biktima ng ‘Salisi gang’
MANILA, Philippines - Isang biyuda ang nabiktima ng dalawang babae na miyembro ng ‘Salisi gang’ at tinatayang nasa P800,000 halaga ng pera at alahas ang natangay sa kanya sa Pasig City kahapon ng tanghali.
Ang biktima na nagtungo at nagreklamo sa Criminal Investigation Unit (CIU) ng Eastern Police District (EPD) ay si Elvira Regal, 69, ng Balete St., Molave Annex II, Molave Subd., Parañaque City.
Sa salaysay ng biktima kay SPO1 Marlon Maiso, ng CIU, nangyari ang insidente dakong ala-1:25 ng tanghali habang naghahanap siya ng mapaparadahan ng kanyang kotse na Toyota Camry (XPN-530) sa parking lot ng Pacific Bldg. Ortigas Center, Pasig City.
Sinabi ng biktima, lumapit sa kanya ang dalawang suspek na babae at sinabi umanong may nakasaksak na susi sa ‘back trunk hood’ ng kanyang sasakyan kaya siya bumaba ng kotse para tingnan. Habang nasa likuran ng sasakyan ang biyuda ay agad naman dinampot at tinangay ng mga suspek ang kanyang bag sa loob ng kotse na naglalaman ng mga alahas at pera na aabot sa P800,000. Hinala ng biktima na bagong estilo ng mga Salisi gang ang nangyari sa kanya kaya pinag-iingat nito ang publiko.
- Latest