Reporter ng Phil. Star, nilooban
MANILA, Philippines - Nalimas ang aabot sa P120,000 halaga ng pera at gamit ng isang reporter ng pahayagang broadsheet matapos na pasukin ng magnanakaw ang kanyang tinutuluyang unit sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Jaime Laude, 52, reporter ng Philippine Star at residente sa Simon St., corner Iriga St., Brgy. San Isidro, La Loma sa lungsod.
Ang nasabing pagnanakaw ay nadiskubre ng anak ni Jaime na si Paulo, sa may ikatlong palapag ng Unit D, ng nasabing lugar, ganap na alas-7 ng gabi.
Natangay sa biktima ang perang nagkakahalaga ng P7,000, isang macbookpro P76,000; isang Sony camera P36,000; at isang pouch bag P500.
Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang nasabing panloloob nang pagpasok ni Paulo ay nakita nitong nakatungkab ang padlock ng pinto. Dahil dito, agad na pumasok sa loob ng unit si Paulo kung saan nito nadiskubreng nawawala ang nasabing mga gamit.
Agad na ipinagbigay-alam ni Paulo ang insidente sa kanyang tatay, na siya namang tumawag ng awtoridad para sa pagsisiyasat.
- Latest