Mag-ingat sa marijuana brownies - PDEA
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko hingil sa pagkalat ng delicacy, tulad ng brownies o cakes sa kalsada na may halong drogang marijuana.
Aksyon ito ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. bunga ng ulat hingil sa pagkakaroon ng mga gawang tinapay na naglalaman ng marijuana at ipinipresenta bilang regalo sa mga kaarawan.
Hinalimbawa ng opisyal, ang nangyari sa isang nurse ng isang provincial hospital sa San Marcelino, Zambales na nakatanggap ng baked brownies mula sa isang chef bilang regalo sa kanyang birthday.
Ang cake ay ibinahagi ng nurse sa kanyang co-workers. Nang araw ding iyon, nakaramdam ang 17 kawani ng ospital ng pagkahilo at pananakit, hanggang sa magkasakit matapos kumain ng brownies. Binigyan naman agad ng medical na atensyon ang mga nasabing kawani.
Ang brownies ay isinumite naman agad sa laboratory examination, kung saan ang resulta ay positibo ito sa marijuana. Ang naturang tinapay ay naglalaman ng katas ng dahon ng marijuana na sinadyang ihalo sa ingredients sa pagbe-bake ng brownies.
Sinabi pa ng PDEA chief na ang marijuana ay kinokonsiderang gateway drug at ang gumagamit nito ay may malakas na pagkagusto para lumipat sa mas malakas na droga sa hinaharap.
- Latest
- Trending