Trike driver tinarakan ng nakagitgitang pedicab driver

MANILA, Philippines - Dalawang butas sa dibdib ang tinamong saksak ng isang 49-anyos na tricycle driver mula sa nakagitgitang pedicab driver sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Tuluyang binawian ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Roger Medalla, ng Area-A, Gate 5, Parola Compound, Tondo.

Nakatakas naman ang suspect na kinilalang si Elmer Genito, 22, ng North Harbor, Tondo.

Sa ulat ni PO2 Crispin Ocampo, dakong alas-4:10 ng hapon nang maganap ang insidente malapit sa Parola Health Center, sa may Pier 2, North Harbor.

Nabatid na hindi makadaan ang pedicab ng suspect nang makagitgitan ang tricycle na minamaneho ng biktima hanggang sa magkaalitan ang dalawa, na nauwi sa pagbubunot ng patalim ng suspect at inundayan ng dalawang beses sa dibdib ang biktima. Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen.

Show comments