Bus segregation, tuloy sa Disyembre
MANILA, Philippines -Tuloy na ang pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng bus segregation scheme sa mga bus stops sa EDSA sa darating na Disyembre makaraang sang-ayunan ito ng mga bus operators.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na “unanimous” ang naging desisyon ng 76 sa 85 bus operators na dumalo sa ipinatawag nilang pulong.
Sa nasabing sistema, hahatiin sa Bus Stop A at B ang 22 bus stops sa northbound at 15 naman sa southbound na nagsisilbi sa may 3,400 bus na bumabagtas ng EDSA. Sa mga Bus Stop A lamang papayagan na magkarga at magbaba ng pasahero ng mga bus na may rutang EDSA-Alabang at sa Bus Stop B naman ang mga bus na may rutang EDSA-Baclaran.
Sa northbound ng EDSA, magagamit lang ng mga Bus A ang bus stop sa Magallanes, Buendia, Guadalupe, Shaw, Santolan, Farmers, Cubao, Ermin Garcia-Cubao, North Avenue, Royal Balintawak at MCU Caloocan. Ang Bus B naman, sa bus stops ng Taft, Ayala, Estrella, Pioneer, Ortigas, Main Avenue, Baliwag-New York St.-Cubao, Quezon Avenue, Congressional Avenue at Oliveros Drive-Balintawak.
Sa south-bound naman, puwede lang ang Bus A sa Oliveros Drive-Balintawak, Roosevelt Avenue, Muñoz, Arayat-Pinatubo Cubao, Shaw Blvd, Guadalupe, Buendia Avenue at Magallanes. Ang Bus B naman ay sa Monumento-Caloocan, Kaingin Road-Balintawak, West Avenue, Ortigas Avenue, Boni Avenue, Estrella, Ayala Avenue at Taft Avenue lang ang mga stop.
Ang mga bus stop sa Julia Vargas (SM Megamall) at SM North Avenue sa north-bound ay puwedeng tigilan ng parehong Bus A at Bus B dahil sa magiging “common bus stops” ang mga ito.
Pagmumultahin ng P1,000 ang mga bus na hindi titigil sa tamang bus stop habang P500 multa naman ang ipapataw sa mga pribadong sasakyan na makikihinto sa mga designated bus stop.
Lalagyan ng letrang A o B sa windshield ng mga bus upang madaling makita ito maging sa mga T-shirt ng mga konduktor. Ilalagay din sa mga bus stop ang susunod na destinasyon para maghinto upang hindi na malito ang mga pasahero.
- Latest
- Trending